san-vicente-palawan-municipal-health-board-meeting

Nagpulong ang Municipal Health Board ng bayan ng San Vicente ngayong araw, ika-16 ng Marso, taong kasalukuyan, kaugnay ng tinanggap na 500 doses ng Astrazeneca vaccines mula sa Provincial Health Office kahapon.

Kasama sa tinalakay sa naturang pagpupulong ang planong pagbabakuna, pondong kailangan at ang isasagawang simulation.

Ayon kay Municipal Health Officer Mercy Grace S. Pablico, bago ang aktwal na pagbabakuna ay magkakaroon muna ng simulation na isasagawa bukas, ika-17 ng Marso, sa San Vicente Central School na magsisilbing vaccination venue.

san-vicente-palawan-municipal-health-board-meeting

Ang mga tinanggap na bakuna ay nakalaan para sa mga healthcare frontliners ng San Vicente, dagdag pa n’ya.

Aniya, mayroong 230 indibidwal ang target na mabakunahan ng unang batch ng AstraZeneca. Ito ay kinabibilangan ng 16 personnel mula sa Ligtas COVID Facility, 52 sa RHU, 122 Barangay Health Workers at 40 Barangay Health Emergency Response Teams.

“Iyan ang projected eligible numbers natin. Pero mayroon pa kasing final screening. Iku-consider kasi natin doon kung sila ba ay may comorbidities,” paliwanag ng Municipal Health Officer.

Magsisimula ang aktwal na pagbabakuna sa mga frontliners sa araw ng Biyernes, ika-19 ng Marso. Limampung (50) health workers ang target na mabakunahan kada araw.

Mayroong dalawang shots na kinakailangan gamit ang AstraZeneca vaccine. Ayon sa PHO, 32 araw ang interval bago isagawa ang ikalawang pagtuturok sa isang pasyente.

Samantala, nakalaan naman ang 200 doses ng bakuna na tinanggap ng SVDH para sa 100 empleyado ng naturang ospital. Isasagawa ang pagbabakuna sa araw ng Huwebes, ika-18 ng Marso.

Ang paunang hakbang ng pagbabakuna, ani Dra. Pablico, ay mahalaga upang mabawasan ang pangamba ng mga tao sa pagkakahawa sa naturang virus.

“Mahalaga siya kasi makakapag-umpisa na tayo ng ating vaccination [dito sa ating munisipyo.] Kung mahi-hit natin ang 70% ng ating total projected population masasabi natin na makakapag-develop na tayo ng herd immunity doon sa COVID infection,” saad pa niya.

Ipinagpapatuloy din umano nila ang “master listing” para sa iba pang priority group para sa paghahanda sa pagbabakuna sa nakararami.

“Ini-encourage pa rin natin sila kung wala naman silang comorbidities … huwag silang matakot kasi mas kailangan natin ito ngayon… sa safety din hindi lang nila pati ng buong pamilya nila,” panghihikayat ni Dra. Pablico.