san-vicente-palawan-womens-month

Magsasagawa ang Pamahalaang Bayan ng San Vicente ng mga akitbidad sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan ngayong Marso na may temang “We make change work for Women.”

Tampok ang isasagawang LGU Caravan sa ika-15 hanggang ika-22 ng Marso, taong kasalukuyan kung saan iba’t ibang mahahalagang usapin ang tatalakayin sa isasagawang Information Education Campaign (IEC) sa mga barangay.

Katuwang ang iba pang opisina ng Pamahalaang Bayan at mga barangay, pangungunahan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang IEC na magbibigay kaalaman sa gampanin ng mga kababaihan pagdating sa solid waste management, disaster risk reduction management, Republic Act 9262, COVID-19 prevention at marriage and birth certification.

“Maraming information [ang] maibibigay dito. Hindi lamang [patungkol sa] karapatan ng mga kababaihan [at] VAWC Law,” saad ni Municipal Social Welfare and Development Officer Jennilyn C. Laro.

“Kasama natin ang MENRO, ang MDRRMO, sila po ang magtuturo sa… role ng kababaihan pagdating sa waste management, during times of disaster ano ‘yung role ni babae sa panahon ng kalamidad. Nandoon din po ang ating RHU [para sa] mga health related issues,” dagdag pa ng hepe ng MSWDO.

Bukod dito ay may mga hinanda rin umano silang mga palaro, patimpalak sa pagkanta at slogan making contest. Paparangalan din ang mga Best Nanay sa Barangay at ang mga aktibong organisasyon ng kababaihan.

Layunin umano ng pagdiriwang na mapalakas ang mga kababaihan upang maging kabahagi ng pagbabago at sa pagsusulong ng gender equality.

Kuwento pa ni MSWDO Laro, katuwang ng kanilang opisina ang Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) at Local Council of Women (LWP) sa pagbibigay impormasyon patungkol sa mga adbokasiya at karapatan ng mga kababaihan.

Aniya, ilan pa sa ginagawa ng Pamahalaang Bayan upang mapalakas ang sektor ng kababaihan ay ang pagbibigay ng tulong pangkabuhayan.

“May mga cash for work program mostly ang nakikinabang ay mga kababaihan,” pagbabahagi pa ni Laro.

Asahan din umano ang mga pagsasanay na isasagawa upang mas lalong mapalakas ang mga kababaihan sa mga barangay.

Tumutulong din ang kanilang opisina sa mga babaeng nakakaranas ng pang-aabuso. Aniya, noong nagdaang taon ay nakatanggap sila ng 28 kaso ng pang-aabuso sa kababaihan.

Samantala, sa ika-8 ng Marso (International Women’s Day), ay magkakaroon ng “Women’s Right Advocacy Parade” na dadaluhan ng mga kababaihang kawani ng munisipyo at ng mga non-government agencies, kapitan at mga presidente at miyembro ng KALIPI.

Isasaalang-alang sa mga nakatakdang gawain ang pag-iingat sa COVID-19 sa pamamagitan ng pagpapatupad at pagsunod sa minimum public health standards.

Sa kampanyang Juana Laban sa Pandemya: Kaya!, ang pagdiriwang ng National Women’s Month 2021 ay nakatuon sa partisipasyon ng mga kababaihan sa paglaban sa kinakaharap na pandemya.