san-vicente-palawan-national-womens-month

Matagumpay na naisakatuparan ang LGU Caravan sa mga barangay kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan sa Bayan ng San Vicente ngayong Marso.

Pinangasiwaan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang pagsasagawa ng LGU Caravan na naglalayong bigyang kaalaman ang mga kababaihan sa mga barangay ng kanilang gampanin patungkol sa mga usapin tulad ng solid waste management, disaster risk reduction management, Republic Act 9262, COVID-19 prevention at ang patungkol sa talang sibil.

Ginanap kahapon, ika-22 ng Marso, ang naturang aktibidad sa Bgy. Poblacion kung saan ay aktibong nakibahagi ang mga kababaihan ng naturang barangay at ng Bgy. Kemdeng.

Kinilala rin sa naturang aktibidad ang mga natatanging nanay at ang mga aktibong organisasyon ng kababaihan sa mga barangay.

Bukod dito ay nagsagawa rin ng parada, mga palaro at patimpalak.

Noong nakaraang linggo ay nauna nang nagtungo ang grupo sa San Isidro, Alimanguan, Binga, Port Barton at Caruray upang magsagawa ng kahalintulad na aktibidad.

san-vicente-palawan-national-womens-month

Layunin ng pagdiriwang na may temang “We make change work for women” na palakasin ang sektor ng kababaihan upang maging kabahagi sa pagbabago at pagsusulong ng gender equality.

Ayon kay Municipal Social Welfare and Development Officer Jennilyn C. Laro, katuwang ng kanilang opisina ang Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) at Local Council of Women (LWP) sa pagbibigay impormasyon patungkol sa mga adbokasiya at karapatan ng mga kababaihan.

Nagsilbing tagapagsalita sa LGU Caravan ang mga kinatawan mula sa Municipal Environment and Natural Resources Office, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, MSWDO, Municipal Health Office at Office of the Municipal Civil Registrar.

Nagkaroon din ng talakayan patungkol sa Fire Prevention sa pamamagitan ng Bureau of Fire Protection at Anti-Rape Law na tinalakay ng Regional Mobile Force Battalion.