san-vicente-palawan-covid-19-vaccination-at-port-barton

Boluntaryong nagpabakuna kontra COVID-19 ang mga Barangay Health Workers (BHW), mga miyembro ng Barangay Health Emergency and Response Team (BHERT) at senior citizens ng Barangay Port Barton.

Sa isinagawang pagbabakuna kahapon, Marso 26, sa Port Barton Elementary School, umabot sa 89 na indibidwal ang nagpaturok ng bakuna na kinabibilangan ng mga healthcare frontliners at mga nakatatanda.

“Natutuwa kami dahil all in all successful ang activity. Sa mga volunteers’ halos 99 percent nagpabakuna sila. Sila ang talagang nanguna,” natutuwang balita ng Municipal Health Officer.

Ani Dra. Mercy Grace S. Pablico, kasabay ng pagbibigay ng unang dose ng bakuna sa mga frontliners ay ang pagtanggap na rin ng mga nasa ikalawang prayoridad.

“Nasa next priority na kasi tayo e, ‘yung mga senior citizens at saka indigents, ang dami nilang pumunta,” pagpapatuloy ng hepe ng Municipal Health Office.

san-vicente-palawan-covid-19-vaccination-at-port-barton

Pinakaunang pumila at tumanggap ng bakuna ang barangay microscopist ng naturang barangay. Kuwento niya, walang pag-aalinlangan siyang nagdesisyon na magpabakuna upang mabigyang proteksyon ang kanyang sarili at pamilya habang siya ay gumaganap bilang frontliner ng health center.

“Ako po ay isang barangay microscopist. ‘Di po namin alam kung sino ang nakakausap at nakakasalamuha naming tao kaya kailangan ko ng proteksyon kaya hindi po ako natakot na magpabakuna,” ani Emayline P. Macalaguing.

Ayon naman kay Gng. Jocelyn J. Laplana, 60 anyos, kaakibat ng pagiging BHW niya ang pagbabahay-bahay.

“Tulad namin [na] may edad na, bumababa na ang aming immune system, kailangan talaga … maging mataas para hindi tayo basta-basta kapitan ng mga sakit-sakit na iyan,” wika ng BHW.

Ilan pa sa nagpabakunang senior citizen ng barangay sina Gng. Julie B. Simpson, 66 anyos, at Gng. Abdulia M. Austria, 63 anyos.

“Very much welcome talaga itong bakuna para sa akin at sana naman [ang iba] ay mag-avail kasi very important talaga ito at pasalamat sa gobyerno natin at sa presidente ng Pilipinas na nagkaroon tayo ng bakuna,” ani Gng.Simpson.

“Before kasi talaga, mayroon akong takot na magpabakuna kasi nga ‘yung nakikita ko sa balita ‘yung mga side effects but then lately na-realize ko na kailangan natin talaga magpa-vaccine para sa proteksyon naman ng nakakarami lalo na rito sa Bgy. Port Barton,” panghihikayat ni Gng. Austria sa kapwa nakatatanda.

Kabilang sa mga nabakunahan ngayong araw ang limang BHW mula sa Bgy. Caruray.

Sa kabuuang bilang, 80 ang piniling magpabakuna gamit ang AstraZeneca at siyam ang piniling maturukan ng Sinovac.

Ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa Bgy. Port Barton ay ang ikaanim na araw nang pagsasagawa ng aktibidad. Nagsimula ang pagbabakuna noong ika-19 ng Marso sa San Vicente Central School.